Hinimok ng Estados Unidos ang mga bansang may inaangkin na teritoryo sa South China Sea na pumalag kontra sa agresibong hakbang na ginagawa ng Beijing sa karagatan.
Ayon kay Admiral Karl Schultz ng US Coast Guard, hindi makatwiran ang labis na presensya ng Chinese Coast Guard sa naturang bahagi ng karagatan dahil paglabag ito sa isang rule-based order.
Tinawag ng opisyal ang pansin ng mga estado sa paligid ng South China Sea na magsalita at huwag hayaan ang patuloy na aktibidad ng Beijing.
Nilinaw ni Schultz na suportado ng kanilang hanay ang pag-uusap sa international waters, gayundin ang aksyon na maaaring iakyat sa international court.
Dinepensahan naman nito ang presensya ng US Coast Guard sa karagatan ng rehiyon dahil layunin daw nila na maging modelo sa maritime governance.
“We have a certain recognized global demand or global brand that I think us participating in the region from partnership capacity building to the higher-end, us streaming with our Navy colleagues, is all important to signal to regional actors that we are serious, we are committed to that free and open, rule-based values and behaviors in the Indo-Pacific,” ani Schultz sa isang tele-conference.
“I think when you think about the United States Coast Guard, our iconic racing stripe that defines our white ships, you see that branding replicated all over the world, including the Chinese Coast Guard.”
Hindi lamang Pilipinas ang umaangkin sa mga teritoryo sa naturang bahagi ng karagatan dahil dati na ring nagpahayag ng pagbawi ang Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.
Taong 2016 nang ibasura ng Permanent Court of Arbitration ang historical claims ng China sa teritoryo.
Kinilala rin nito ang exclusive economic zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention for the Law of the Sea.