Binigyang diin ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta na lahat ng kanyang mga naging desisyon sa pagiging isang abogado ay nakabase sa batas at ebidensiya.
Sa ginawa kasing pulong balitaan ng punong mahistrado natanong ito patungkol sa kung paano matitiyak ang pagiging patas sa nakabinbing poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo sa kabila ng mga nakaraang desisyon nito na karamihan pabor sa dating senador.
Paliwanag ng chief justice, isa lang ang kanyang desisyon na pumabor sa pamilya Marcos at ito aniya ay ang pagpayag niya sa pagpapalibing ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Paliwanag ni Peralta, walang batas na nagbabawal sa paglilibing ng dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani at hindi rin naman maaring ibase ang desisyon sa public opinion.
Dahil dito dapat aniyang asahan ng publiko na mananatili siyang objective dahil batas at ebidensiya ang kanyang magiging basehan sa kanyang mga gagawing desisyon bilang punong mahistrado kabilang na dito ang nakabinbong poll protest ng dating senador.