CENTRAL MINDANAO- Dinagdagan pa ang mga kawani ng Kidapawan Office of the City Veterinarian sa pakigtulungan sa Makilala Cotabato LGU upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng African Swine Fever sa lungsod at karatig lugar.

Ibinunyag mismo ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez ang nabanggit sa stakeholders meeting kontra ASF na inorganisa ng City Government.

Partikular na nilagyan ng dagdag na tao ng OCVET ang check point sa hangganan ng Makilala-Bansalan Davao Del Sur na mahalagang daanan papasok ng Kidapawan City.

Sinusuri at dini disinfect ang mga sasakyan ng mga otoridad sa posibleng pagpasok ng ASF mula sa mga kargang buhay na baboy at produktong karne nito.

Kapag walang maipakitang pertinenteng dokumento ang nagkarga ng buhay na baboy ay pababalikin ito sa lugar na pinanggalingan o di kaya ay kukumpiskahin ang mga karne o pork meat products.

Matatandaang nagkaroon na ng ASF infestation sa ilang mga bayan ng Davao Occidental na pinangangambahang makapasok sa lungsod kapag hindi napigilan.

Kaugnay nito, tinatayang aabot sa mahigit animnapung milyong piso ang malulugi sa Kidapawan City kung sakaling pumasok dito ang ASF.

Ito ang ginawang pagtatantya ni DA XII Bureau of Quarantine Officer Dr Geraldson Navarra.

Aniya, kapag hindi napigilan ang ASF, lahat ng mga baboy may sakit man o wala na nasa loob ng isang kilometro mula sa pinanggalingan ng ASF ay kinakailangang patayin para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Malulugi ng malaki ang mga nag-aalaga ng baboy o di kaya ay nagbebenta ng mga produkto ng karne nito kapag nagkataon, wika pa ng opisyal.