CAUAYAN CITY – Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Santiago sa 2020 World AIDS Day ngayong December 1, 2020 .
Ayon sa Santiago City Health Office, paigtingin pa nila ang kampanya ng kontra HIV- AIDS
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan nakiisa ang pamahalaang Lunsod ng Santiago sa World AIDS day sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kawani ng pamahalaan ng pulang ribbon sa mga nagtutungo sa City Hall.
Ang Temang Global Solidarity, Shared Responsibility ay inilatag ng CHO na layuning magkaroon ng iba’t ibang information drive upang mapalawig pa ang kaalaman ng publiko patungkol sa HIV- AIDS at ilang paraan ng pag-iwas sa mga nabanggit na nakakahawang sakit.
Isinusulong din ng City Health Office ang paggawa ng HIV Slogan sa Social Media, Rock the Ribbon Dance Contest sa pamamagitan ng Virtual Competition at HIV Wall Corner.
Ito ay sinalihan ng apat na pagamutan at dalawang establishimento sa Lungsod kung saan magsasagawa ng Libreng HIV Test sa mga opisina at bahay kalakal.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Sherwin Wayne Baniqued, HIV awareness advocate ng Santiago City na kanyang ikinatuwa ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at impormasyon ng mga mamamayan patungkol sa nakakahawang sakit.
Pagtutuunan din ng pansin ng City Health Office ang mga preventive measures, treatment, care, support program at ilan pang mga hakbang na makakatulong sa mga pamilya ng pasyente pangunahin na ang kabilang sa LGBTQ+ Community sa Santiago City.
Dahil sa pandemya ay madalang ang mga programa at pagsasagawa ng seminar at ilang pagtitipon kaya pinalakas pa ng tanggapan ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng social media.