STAR FM CEBU -Kumpiyansa ngayon si Environment Secretary Roy Cimatu na ibababa na sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng Cebu City sa pagsapit ng Hulyo 16.
Una ng inilagay ang lungsod sa ilalim ng ECQ mula Marso 28 hanggang Abril 28 at pinalawak hanggang Mayo 31. Ibinaba ito sa GCQ mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 15 bago ibinalik sa ECQ simula Hunyo 15 dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso sa COVID-19.
Nabatid ni Cimatu na nung dumating siya sa Cebu City, nasa 50% lamang ang mga sumunod sa protocols ngunit sa kasalukuyan pa ay umabot na sa 80 hanggang 90 porsyento.
Magkakaroon pa rin umano ng guidelines ang lungsod kung sakali mang ibababa na ito sa GCQ upang matiyak na limitado ang paggalaw ng mga tao.
Ilalagay naman sa lockdown ang mga lugar o sitio ng lungsod na may mataas na bilang ng kaso sa nasabing virus.
Mananatili naman ang IATF sa Cebu City upang masubaybayan at gabayan ang lungsod kung sakali mang isailalim na ito sa GCQ.
Naatasan din ang City Council na magpasa ng mga ordinansa para ma handle ang isinagawang lockdown na naaayon sa mga regulasyon ng IATF.
Inaasahan din ni Cimatu na mapabuti ang kalagayan ng lungsod habang pinapalakas ang testing at contact tracing sa mga susunod na araw.