-- Advertisements --
Cimatu b4 Iraq
DENR Secretary Roy Cimatu

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na maging person-in-charge sa paghawak ng mga kaso ng coronavirus diseases o COVID-19 sa Cebu.

Sa kaniyang national address mula sa Palasyo, sinabi ng Pangulo na maglalabas agad ito ng executive order para agad na magtungo si Cimatu sa Cebu.

Dahil dito ay mag-uulat ang kalihim sa kalagayan ng Cebu sa Inter-Agency Task Force for infectious disease.

Maluwag naman na tinanggap ni Cimatu ang pagkakatalaga sa kaniya ng Pangulo.

Magugunitang mayroong mataas na kaso ng coronavirus ang Cebu kaya ito ay inilagay ng Pangulo sa enhanced community quarantine.

Nagbalik tanaw din si Duterte sa mga hinawakang special mission ni Cimatu kahit noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo kung saan itinalaga ito bilang trouble shooter upang iligtas ang mga OFW na naipit noon sa Iraq, Libya, Afghanistan at iba pa.

Bilang DENR chief nanguna rin ito sa paglilinis sa isla ng Boracay at ngayon patuloy naman ang paglilinis din sa Manila Bay na kanya ring tatapusin ngayong taon.