Pinuri ngayon ng church-based election group ang pagpupursige ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa agad na pag-aksiyon ng mga ito sa ilang insidente na may kinalaman sa halalan partikular sa overseas voting.
Sa isang sulat na naka-address kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan sa pamamgitan ni Director Sonia Bea Wee-Lozada ng Office for Overseas Voting, Bishop Jose Colin Bagaforo ang Halalang Marangal 2022 convenor, kinikilala ng mga ito ang aksiyon ng Comelec para agad maresolba ang mga isyu.
Kabilang na rito ang napaulat na mayroong pre-shaded ballots sa Dubai, United Arab Emirates (UAE); ang pagboto sa labas o presinto sa Singapore at ang exit poll sa Hong Kong.
Dahil sa hakbang ng Comelec, naniniwala ang grupo na magkakaron ng tiwala ang ating mga kababayang botante para bumoto sa May 9 local at national elections.
Sinabi pa ni Bagaforo, na siya ring chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, ang Halalang Marangal 2022 ay nagpahiwatig din nang kagustuhang makatrabaho ang poll body para sa malinis at maayos na halalan.
Una rito, sinabi ng komisyon na wala naman daw napaulat na mayroong mga pre-shaded ballots sa Dubai pero kanila na itong iniimbesitagahan kasama na ang insidente sa Singapore.
Hiniling din ni poll body sa ating mga kababayan na huwag maniwala sa mga lumabas na exit polls at hintayin na lamang ang resulta ng halalan sa May 9.
Noong Abril 10, nagsimula na ang overseas voting sa 92 posts sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Nasa 1.7 million naman ang mga rehistradong botanteng Pinoy sa iba’t ibang dako ng mundo.