-- Advertisements --

Nanawagan ang Commission on Human Rights na paigtingin pa ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10535 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act.

Ito ay matapos makatanggap ng ulat ang komisyon na dinukot umano ang environmental rights defenders at church workers na sina Francisco Eco Dangla III at Axielle Jak Tiong noong ika-24 ng Marso sa San Carlos Pangasinan.

Ayon kasi sa mga ulat ng independent human rights groups, nakitang nakikipagtalo ang hindi pa nakikilalang mga suspek kina Dangla at Tiong hanggang sa pinilit ang dalawa na pumasok sa sasakyan. 

Ayon pa sa nakasaksi ay narinig na sumisigaw ng tulong si Tiong at may naiwan pa umanong mga piraso ng damit na suot ni Dangla. 

Sina Dangla at Tiong ang founders ng Pangasinan People’s Strike for the Environment na mariing tumututol sa coastal mining projects sa naturang probinsiya.

Nahagap din ng CHR na target na ng red-tagging ang dalawang biktima. Kaya naman sinabi nito sa isang pahayag na inilalagay sa mapanganib na buhay at seguridad ang buhay ng isang taong na-redtag. Dahil dito, ang aktong ito raw ay isang paglabag sa karapatang pantao. 

Nagsasagawa na rin ang CHR ng sariling imbestigasyon ukol sa insidente.

Binigyang-diin ng komisyon na bukod sa paghahanap ng mga nawawalang human rights defenders ay ang pagsiguro rin na makikilala at magbabayad sa batas ang mga nasa likod nito.

Ayon sa watchdog na Global Witness, isa ang Pilipinas sa mga most dangerous countries sa buong mundo para sa mga environmental defenders.