VIGAN CITY – Kinokondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkamatay ng tatlong taong gulang na bata sa nangyaring police operation sa Rodriguez, Rizal nitong nakaraan.
Ito ay matapos kumpirmahin ng mga otoridad noong Miyerkules na ang balang tumagos sa katawan ng biktimang si Myka Ulpina ay nanggaling sa baril ng isang pulis na si Police Senior Master Sergeant Conrado Cabigao Jr., na kasama sa mga nagsagawa ng police operation laban sa ama ng biktima na si Renato Ulpina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni CHR Spokeswoman Atty. Jacqueline de Guia na nabilin na umano nila ang kanilang concerned field office na imbestigahan ang nasabing pangyayari.
Kasabay nito ay tiniyak ni de Guia na nakahanda umano ang kanilang komisyon na magbigay ng tulong pinansiyal at legal assistance sa pamilya ng biktima kung desidido ang mga ito na magsampa ng kaso.
Kung maaalala, sinabi ng mga otoridad na nagtamo si Myka ng gunshot wound sa kaniyang utak mula sa bala ng baril na tumagos sa kaniyang batok na lumabas sa kaniyang kaliwang tainga.