Nakatakdang makikipag-usap ng personal si Presidential Spokesman Salvador Panelo kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua.
Sinabi ni Sec. Panelo, inimbitahan siya sa isang dinner ni Ambassador Zhao kaya posibleng magkita sila sa darating na mga araw.
Sa magiging pag-uusap, babanggitin umano ni Sec. Panelo ang isyu sa pagdaan ng warships ng China sa Sibutu Strait nang walang paalam mula sa ating gobyerno at pinapatay pa ang kanilang automatic identiication system (AIS).
“I will ask him kung ano na nangyari doon sa—kasi I remember Secretary Delfin was quoting him, ‘di ba na “that’s wrong, we’re friends.” Oh, ‘di ba? ‘Di tanungin ko ano bang nangyari doon, alam ba ninyo ito?” ani Sec. Panelo.
Idinagdag pa ni Sec. Panelo, nirerepesto ng Pilipinas ang nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa paningin ng Malacañang paglabag sa UNCLOS ang ginagawa ng China.
Kaya raw nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pumunta sa China dahil gusto niyang pabilisin ang pagbuo ng Code of Conduct na siyang magiging gabay sa oras ng insidente sa karagatang sakop ng overlapping claims ng iba’t ibang bansa.
Una nang inihayag ni Sec. Panelo na posibleng sa huling linggo ng Agosto tumulak si Pangulong Duterte papuntang China at hanggang ngayon ay wala pang binabanggit na tiyak na petsa ang Malacañang.