-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatiling ligtas mula sa novel coronavirus (COVID-19) ang mga Chinese national na nagtatrabaho sa Chico River Pump Irrigation Project sa Pinukpuk, Kalinga.

Ito ang kinumpirma ni Kalinga Provincial Health Officer Dr. Ignacio Cawas, matapos na personal bisitahin ang Chinese contractor at mga workers nito.

Empleyado sa ilalim ng China CAMC Engineering Company Limited ang mga dayuhang manggagawa, na kontraktor ng P4.3-billion Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga at Cagayan.

Paliwanag ni Dr. Cawas, may mga pre-cautionary measures na ginawa ang kontraktor laban sa COVID-19 kahit wala sa mga workers nito ang umuwi o nanggaling sa China sa nakaraang apat na buwan.

Aniya, nadoble ang seguridad sa loob ng kampo ng mga ito at may “no entry area” pa doon lalo pa at sarado sila sa mga bisita kung saan pati mga pagkain ng mga workers ay naka-pack.

Nakakasiguro umano sila na kung may papasok man sa project site ay sasailalim ang mga ito ng ilang screening mula pa sa mga paliparan at pantalan.

Una rito, ipinag-utos na rin ang screening at monitoring sa mga entry points sa Kalinga, partikular sa papasok ng Tabuk City, Talaca, Tinglayan, Pinukpuk at Balbalan.