-- Advertisements --
IMG b79f7cfed384fb49826f4390a9a24f0a V

Patong-patong na kaso ang kinahaharap ngayon ng isang Chinese national matapos inaresto ng National Bureau of Investigation-Anti-Fraud Division (NBI-AFD) sa Maynila dahil sa pagbebenta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination slot.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang suspek ay kinilalang si Xiao Shi alyas Geng Wang Qun.

Humaharap ang suspek sa mga kasong Estafa sa ilalim ng Article 315, Direct Assault sa ilalim ng Article 148 at Disobedience of Lawful Orders of Persons in Authority sa ilalim naman ng Article 151 ng Revised Penal Code.

Una rito, sinabi ni Distor na nag-ugat ang operasyon para maaresto ang suspek na si Shi sa reklamo ng isang babae na umano’y inalok ng suspek ng covid slot sa Maynila sa halagang P18,000.

Sinabi raw ng suspek na mayroon itong direktang koneksyion sa mga opisyal ng Barangay 239 sa Binondo, Manila.

Pero nang nagbayad na umano ang biktima ng P18,000 para sa kanyang unang dose ay naging mailap na ang suspek at laging sinasabing maghintay lamang ito para sa kanyang bakuna.

Dahil sa pagdududa na rin ng biktima ay nagsagawa na ito ng sariling verification at dito niya nalamang hindi konektado ang suspek sa Manila Covax Team.

Agad namang dumulog ang biktima sa NBI-AFD para maaresto ang suspek.