Ilang araw matapos tuluyang malaglag sa Finals contention ang China Men’s basketball team, patuloy pa ring bumubuhos ang pagpuna mula sa mga Chinese fans.
Dalawang beses kasing tinalo ng Team Philippines ang team China kung saan ang una ay noong FIBA Basketball World Cup. Ang dalawang pagkatalo ay sa loob lamang ng 32 days, sa ilalim ng dalawang international competition.
Dahil dito, humingi ng paumanhin si head coach Sasha Djordjevic sa mga Chinese fans dahil sa naging performance ng China team sa Men’s 5×5 basketball ng Asiad.
Ayon kay coach Djordjevic, handa ang team China sa naging paghaharap nila ng team Philippines, at sa kung anu mang ibibigay ng Gilas.
Gayonpaman, sa second half ng laro aniya, naramdaman nila ang pressure mula sa Gilas at natalo sa naturang kompetisyon.
Ayon sa batikang Serbian coach, ang ganitong pagkakataon ay nangyayari sa ilalim ng basketball. Ngunit sa ilalim din ng naturang sport, ang coach ang kadalasang sumasalo sa pagkatalo habang ang mga players ang pinupuri sa mga panalo.
Maalalang noong miyerkules ay tinalo ng Gilas Pilipinas ang Team China sa pamamagitan ng come from behind win. Nagawa ito ng Gilas sa pamamagitan lamang ng isang puntos na kalamangan.
Kagabi ay tuluyan ding naiuwi ng Gilas Pilipinas ang kampeonato, matapos nilang talunin ang Team Jordan sa pamamagitan ng impresibong performance.