-- Advertisements --
image 418

Iginiit ng Chinese envoy na walang problema sa pagdadala ng humanitarian supplies sa BRP Sierra Madre dahil may special arrangement hinggil dito at nagkaroon lamang aniya ng problema nang magdala umano ang Pilipinas ng malaking building materials.

Ginawa ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang naturang pahayag nang hingan ito ng komento matapos na matagumpay na nakumpleto ng PH ang resupply mission sa outpost ng bansa na BRP Sierra Madre na nasa Ayungin shoal.

Giit pa ni Huang na mayroong indisputable sovereignty ang China sa Nansha islands kabilang ang Ayungin shoal na tinawag ng China na Ren’ai reef at sa adjacent waters nito at mariing tinututulan ang pagsamantala umano ng panig ng PH na magdala ng iligal na building materials sa barkong pandigma na isinadsad ng iligal sa lugar.

Kayat patuloy aniyang poprotektahan ng China Coast Guard ang karapatan at law enforcement activities sa katubigan sa ilalim ng hurisdiksiyon ng China alinsunod sa batas.

Sa ngayon wala pa ding inilalabas na pahayag ang concerned authorities ng PH kaugnay sa claims ng Chinese envoy.

Matatandaan nitong araw ng Martes, kinumpirma mismo ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na naging matagumpay ang follow-up Rotation and Resupply (RoRe) mission ng PH sa pagdadala ng mga suplay sa mga tropa ng bansa na naka-istasyon sa barkong pandigma sa Ayungin shoal sa tulong na rin ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.

Bagamat iniulat din ng NTF-WPS na tinangkang muling harangin ng China Coast Guard ang resupply mission subalit matagumpay namang nakumpleto ito nang walang anumang panibagong insidente sa pagitan ng mga barko ng China at PH.

Samantala, inakusahan din ng Chinese envoy ang Amerika at iba pang mga bansa na nagkakampihan umano sa gusot sa pinagtatalunang karagatan kasunod ng insidente sa Ayungin shoal.

Kaugnay nito sinabi ni Huang na umaasa pa rin ang China na mananatiling vigilante ang mga bansa sa rehiyon kabilang ang Pilipinas laban sa mga tinawag nitong may malisyosong intensiyon na sumisira sa kapayapaan at istabilidad sa disputed waters.