-- Advertisements --

Hindi sinang-ayunan ng Chinese embassy sa London ang bagong patakaran ng United Kingdom kung saan maaaring mag-apply ng British citizenship ang mga residente ng Hong Kong.

Ang nasabing polisiya ay malinaw umano na paglabag ng Britanya sa international law, ayon sa embahada.

Ito’y matapos kumpirmahin ni British Interior Minister Priti Patel na simula Enero 2021 ay pwede nang mag-apply ng UK citizenship ang sinomang residente ng Hong Kong na may British National Overseas visa.

Ginawa ng Britanya ang naturang desisyon sa kabila nang pagbabanta na gaganti ang Beijing sa oras na hindi nito bawiin ang polisiya.

Ayon pa sa embahada patunay lamang daw ito na lumabag ang UK sa kanilang kasunduan dahil sa patuloy na pangingialam sa international affairs ng China.

Sa ilalim ng patakaran na ito ay halos 3-milyong Hong Kong residents ang papayagang manirahan sa Britanya. Ang desisyong ito ay bunsod na rin nang pagpapatupad ng China ng kontrobersyal na national security law sa dating British colony.