-- Advertisements --

Nagpahayag ng mariing pagkondena ang Embahada ng China na nakabase sa Pilipinas sa naging pahayag kamakailan ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez.

Una na kasing sinabi ni Ambassador Romualdez noong Miyerkules na bagamat nakikita ng Estados Unidos bilang seryosong concern ang isyu sa disputed water at posibleng conflict sa Taiwan, naniniwala ang envoy na ang tunay aniyang flashpoint ay ang West Philippine Sea dahil lahat umano ng pinagaawayan ay nandoon sa naturang karagatan.

Ang mga pahayag umanong ito ayon sa Embahada ng China ay walang kabuluhan na nagpapalala umano sa isyu sa disputed water at gumawa umano ng mga espekulasyon at malisyosong pagdungis laban sa China.

Sinabi pa ng embahada ng China na ang pagdadala umano ng outside forces at pagbuo ng maliit na hanay ay hindi makatutulong upang matugunan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pinagtatalunang karagatan ngunit magpapalubha lamang sa sitwasyong pangrehiyon gayundin makasisira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Hinimok din nito si Amb. Romualdez na ihinto ang pagpapakalat ng umano’y maling ‘China threat’ at ‘Sinophobia’ remarks,” at nanawagan sa opisyal ng Pilipinas na iwasang maging “mouthpiece” para sa ibang mga bansa.

Samantala, sa panig naman ng PH partikular ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, patuloy nitong pinasinungalingan ang pag-aangkin ng teritoryo ng China sa pinag-aagawang karagatan.

Aniya, binaluktot ng People’s Republic of China (PRC) ang konsepto sa pamamagitan ng pagigiit ng mga iligal na pag-aangkin nito sa teritoryo bilang bahagi ng kanilang hurisdiksiyon, pag-iwas sa mga legal at political facts na iligal ang presensya nito sa loob ng EEZ ng Pilipinas, at nilalayong palakasin ang illegal gains nito sa West Philippine Sea.