
Tinanggal na ng China ang pinaiiral na mahigpit na restriksiyon kontra covid-19 matapos ang ilang serye ng protesta sa iba’t ibang dako ng bansa laban sa pinairal na zero-covid strategy ng gobyerno na nagbunsod din sa ilan na patalsikin sa pwesto si President Xi Jinping.
Ang anunsiyo din na ito ng China ay kasunod ng inilabas na data ng gobyerno ng China sa pagtamlay ng kanilang ekonomiya dahil sa epekto ng zero-covid policy.
Sa ilalim ng bagong guidelines, ang mga asymptomatic at mild cases ng covid-19 ay maaari ng mag-quarantine sa kani-kanilang mga bahay.
Matatandaan na sa ilalim ng zero Covid policy ng China, minamandato ang lahat ng positibong pasyente na mag-isolate sa isang centralized government facilities.
Ayon sa National Health Commission (NHC), niluwagan na rin ang mandatory mass testing na restricted na lamang sa high-risk areas at mga paaralan.
Ang mga babiyahe naman sa mga probinsiya ay hindi na minamandato na magpakita ng negatibong covid-19 test result na kinuha sa loob ng 48 oras at hindi na rin kailangang sumailalim sa covid test pagkadating sa lugar.










