-- Advertisements --

Sa halip na magpakumbaba at umamin, ay matapang pang nagpahayag ng pagkondena ang China sa pangkukuwestiyon ng Pilipinas sa presensya ng daan-daang mga Chinese vessels sa Julian Reef sa West Philippine Sea.

Ito ang naging tugon ng China kasunod ng pagsisiwalat ng Philippine Coast Guard hinggil sa pagkukumpulan ng nasa 135 na mga Chinese boats sa naturang lugar na nasasakupan ng exclusive economic zone ng ating bansa.

Sa isang pahayag ay matapang pang sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin na ang naturang mga barko ng China ay justified daw na nasa loob ng katubigang pinaniniwalaan nilang sakop ng kanilang bansa.

Ito ang ipinunto ng chinese official kung bakit maituturing na justified at lawful ang pag ooperate ng naturang mga barko sa nasabing lugar na dahilan naman aniya kung bakit walang karapatan ang Pilipinas na kuwustiyonin ito.

Kung maaalala, una nang sinabi nina National Security Adviser (NSA) at National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) chairman Eduardo Año na “nakakaalarma” ang presensyang ito ng China sa naturang bahagi ng West Philippne Sea dahilan kung bakit agad na inatasan ang PCG na magsagawa ng maritime patrol para hamunin at idokumento ang naturang aktibidad.

Samantala sa ngayon ay wala pang nagiging tugon ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung naghain na ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China dahil sa naturang ulat.