-- Advertisements --

Matagumpay na inilunsad ng China ang Tianwen-2 spacecraft noong Miyerkules ng madaling araw, bilang bahagi ng unang misyon ng bansa na kumuha ng mga bato mula sa isang malapit na asteroid.

Lumipad ang Long March 3B rocket mula sa Xichang Satellite Launch Center dakong 1:31 a.m. (local time), dala ang robotic probe na tatahakin ang landas patungong asteroid na tinatawag na 469219 Kamoʻoalewa, na nasa layong 10 milyong milya mula sa Earth.

Ayon sa state media na Xinhua, naging “complete success” ang paglulunsad. Inaasahang mararating ng Tianwen-2 ang asteroid sa Hulyo 2026 at magpapadala ng kapsulang may lamang sample pabalik sa Earth sa Nobyembre 2027.

Kapag naging matagumpay, magiging ikatlong bansa ang China —kasunod ng Japan at United States na makakakuha ng sample mula sa isang asteroid.

Ang misyon ay bahagi ng mabilis na lumalawak na space program ng China, na kabilang na ang paglapag ng robots sa likod ng buwan, pagpapatakbo ng sariling space station, at planong pagpapadala ng tao sa buwan bago mag-2030.