-- Advertisements --

Tila hindi nagustuhan ng China ang pinaplano ng Pilipinas na magdagdag ng tropa ng militar sa mga isla sa Batanes.

Ito ay kasunod ng naging direktiba ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. na dagdagan pa ang presensya at pasilidad ng militar sa hilagang bahagi ng bansa partikular na sa isla ng Batanes na malapit sa Taiwan.

Sa isang statement, nagbabala si Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin sa mga opisyal ng Pilipinas na maging maingat at huwag maglalaro ng apoy pagdating sa mga usaping may kaugnayan sa Taiwan.

Dito ay ipinunto ng Chinese official ang prinsipyo ng “good-neighborliness, friendship, mutual respect for sovereignty and territorial integrity, and non-interference in each others” o ang maaayos na pakikitungo sa isa’t-isa ng mga magkakapit bahay na bansa.

Kasabay nito ay binigyang-diin din ng tagapagsalita na ang usapin sa Taiwan ay “red line” na hindi dapat balewalain, at lagpasan na mga bagay na dapat aniyang maintindihdan ng mga opisyal ng Pilipinas upang maiwasan ang kaguluhan.