CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Health Department ng China sa mga lugar na pinanggalingan ng Langya Virus.
Ang virus na pinangalanang Langya henipavirus (LayV) ay maaaring magdulot ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, pagkapagod at malapit na nauugnay sa dalawang iba pang henipavirus na kilala na nakakahawa sa mga tao ang Hendra virus at Nipah virus na kumitil sa buhay ng ilang Indian.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Rodalyn Alejandro ng China na nagsisiyasat pa ang pamahalaan ng China sa panibagong virus na natuklasan sa naturang bansa.
Sinabi ni Alejandro na nanatiling 35 ang tinamaan ng Langya virus at kasalukuyang nasa pagamutan.
Naging maagap ang health department ng China at napigilan ang pagkalat pa ng virus.
Ang mga kinapitan ng virus ay halos mga magsasaka na kinagat ng isang small animal na kahalintulad ng daga at kinagat ng aso.
Pangunahing pinag-iingat ang mga magsasaka sa naturang virus at pinayuhang magsuot ng bota, gloves at face mask kapag nagtatrabaho sa bukid.
Pinaalalahanan din ang mga may mga alagang aso at pusa na gumamit ng face mask at gloves bago hawakan ang kanilang mga alagang hayop.
Normal pa rin naman ang sitwasyon sa China at tiniyak ng kanilang health department na hindi fatal ang mga tatamaan ng langya virus.
Ang isang bagong virus ng hayop na maaaring makahawa sa mga tao ay natukoy sa silangan ng China.
Sinabi ng mga siyentipiko na hindi sila labis na nag-aalala dahil ang virus ay tila hindi madaling kumalat sa pagitan ng mga tao at hindi rin ito nakamamatay.