-- Advertisements --

Nadagagan pa ang mga bansa na naglabas ng abiso sa kani-kanilang mga mamamayan na tuluyan nang lisanin ang bansang Israel at Iran kasabay ng lalo pang pagtindi ng airstike.

Sunod-sunod na naglabas ng kautusan ang United States, China, India, South Korea, UK, Russia, Canada, Japan, at Thailand para sa kanilang mga kababayan na umuwi na o magtungo sa mas ligtas na mga bansa.

Sa panig ng China, sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Guo Jiakun na ‘agaran’ ang naturang kautusan, habang naka-standby din ang mga Chinese officials sa dalawang nabanggit ng bansa upang ilikas ang mga Tsino palabas.

Inatasan din ng Thai government ang militar nito na ihanda ang mga sasakyang panghimpapawid upang magamit sa paglilikas sa mga mamamayan nitong kasalukuyang naroon.

Sa kasalukuyan kasi ay mayroong 40,000 Thai na naninirahan at nagtatrabaho sa Israel habang mahigit 300 Thai nationals din ang nasa Iran.

Sumunod ding naglabas ng abiso ang India at inutusan ang mga mamamayan nito na umalis sa Tehran. Ayon sa Indian government, ilan sa mga mamamayan nito ang tuluyan nang umalis at nagtungo sa mga karatig-bansa.

Una nang naglabas ng abiso kahapon (June 17) ang pamahalaan ng US sa lahat ng mga mamamayan nito na agad umalis sa Tehran.