Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging hakbang ng Department of National Defense (DND) na suspindihin ang military-to-military communications ng Pilipinas sa bansang China.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kinakailangan munang magkaroon ng matibay na tiwala sa isa’t isa at paggalang sa international law upang maging epektibo ang anumang diyalogo sa pagitan ng dalawang bansa.
Inihayag pa ni Trinidad na ginagamit lamang ng Chinese Communist Party ang mga direktang komunikasyon bilang pampalabas o smokescreen upang ipagpatuloy ang kanilang ilegal na presensya at panlilinlang hindi lamang sa karagatan kundi maging sa kalupaan.
Ang pahayag ng AFP ay kasunod ng serye ng mga hirit ng Chinese Embassy sa Pilipinas sa kanilang social media, kung saan tila isinisisi kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagputol sa komunikasyon ng dalawang bansa.
Nilinaw naman ng DND na ang tinutukoy ng embassy ay ang naging desisyon ni Teodoro noong umupo ito sa pwesto noong 2023, kung saan pinutol ang pakikipag-usap dahil sa pinalulutang ng Tsina na “new model” arrangement sa West Philippine Sea.
Tiniyak din ni Trinidad na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato na magbantay sa karagatan at himpapawid upang maprotektahan ang teritoryo ng bansa.
Ito ay lalo na’t patuloy pa rin ang mga ginagawang panggigipit, panlilinlang, at agresibong pag-atake ng China laban sa ating sovereignty at sa mga mamamayang Pilipino.













