Mainit na tinanggap ni Philippine Coast Guard (PCG) Admiral Joel Garcia ang China Coast Guard (CCG) na pinangunahan ni Director General, Major General Wang Zhongcai, sa Pier 15, Port Area, Maynila kaninang umaga.

Nakatakdang magsagawa ng isang linggong port call ang Chinese Coast Guard kung saan magkakaroon ng bilateral talks sa kanilang counterparts sa Philippine Coast Guard (PCG).

-- Advertisement --

Partikular dito ang isyu ng hotlines of communication, search and rescue operation, at posibleng joint exercises sa maritime security.

Ang port call ng CCG ay kauna-unahang maritime exercises sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng tensyon sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Sa press briefing, sinabi ni Major Gen. Wang na dapat magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China imbes na komprontasyon sa South China Sea.

Ayon kay Wang, ang Asia ay pag-aaari at dapat pangasiwaan lamang ng mga Asyano kaya ang South China Sea ay dapat pangasiwaan lang din ng mga bansang nasa paligid nito.

Sa kanyang panig, inihayag naman ni PCG Admiral Joel Garcia na naitadhanang magkasama ang Pilipinas at China sa bahaging ito ng mundo kaya naitadhanang maging partners at magkaibigan hanggang wakas.

Bilang magkapitbahay, dapat aniyang isulong ng Pilipinas at China ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa rehiyon para kapwa umunlad at lumago sa mga susunod pang siglo.