-- Advertisements --

Binatikos ng China ang U.S. dahil sa paglayag ng walang paalam ng dalawang warship nito sa pinag-aagawang isla ng South China Sea.

Ayon sa foreign ministry ng China, agad na pinalayas ng Chinese Navy ang mga US vessels matapos na sila ay pumasok sa karagatang sakop ng Gaven at Chigua reefs sa Spratly Islands o tinawag ngayon ng China bilang Nansha.

Dagdag pa nito na nilabag ng Estados Unidos ang soberenya ng kanilang bansa dahil sa walang paalam ang mga ito na pumasok sa karagatang sakop nila.

Kinilala nila ang mga ito na USS Preble at USS Chung Hoon na kapwa guided-missile destroyers.

Nilinaw naman ng US na regular ang kanilang ginagawang pagpapatrolya sa nasabing karagatan.

Ang hakbang na ito ng China ay kasunod ng pagpataw ni US President Donald Trump ng trade sanctions sa kanila.

Magugunitang halos inangkin na ng China ang malaking bahagi ng lugar na inaangkin din ng Pilipinas, Taiwan, Brunei, Malaysia at Vietnam.