-- Advertisements --

Epektibo na simula bukas, Pebrero 2, ang Child Safety in Motor Vehicles Act na magbabawal sa mga batang may edad 12-anyos pababa, gayundin ang mga mas mababa pa sa 4’11 height, na umupo sa front seat ng mga pampribadong sasakyan.

Noong pang Pebrero 2019 nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing batas ngunit ngayong taon lang magiging epektibo ang mandatory compliance nito.

Ang mga bata na hindi maaabot ang kinakailangang height requirement ay kailangang gumamit ng child restraint system o car seat.

Ayon kay Land Transportation Office – Law Enforcement Service deputy director Robert Valera, ang child restraints sa mga kotse ay kailangan upang tiyakin na magiging ligtas ang mga bata sa kanilang upuan kung sakali man na biglang magkaroon ng aksidente.

Malaki umano ang maitutulong nito upang hindi tumilapon ang mga bata sa loob ng kotse.

Bibigyan ng LTO ang mga private car owners ng tatlong buwan upang sumunod sa naturang batas habang sinisimulan din ng ahensya ang information dissemination campaign nito.

Ang sinumang lalabag ay mumultahan ng P1,000 para sa first offense; P2,000 para sa second offense, habang P3,000 naman at isang taong suspension ng drivers’ license para sa ikatlo at susunod pang paglabag.

Umaasa naman si LTO director Clarence Guinto na makikisa ang publiko sa bagong batas na ipapatupad simula bukas.