-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sasaksihan ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr ang isasagawang presentasyon ng kanilang lower units kaugnay sa nahukay na mga baril na pagmay-ari ng Communist Party of the Philippines -New People’s Army sa liblib na lugar sa bayan ng Talakag,Bukidnon.

Ito ay kasunod sa gagawing troop visit ni Acorda sa dati niyang pinamunuan na Police Regional Office 10 na nakabase sa lungsod ng Cagayan de Oro sa Northern Mindanao region.

Sinabi ni PRO 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na ang presentasyon ng mga baril ay isa lang sa mga aktibidad na naka-line up sa pagbisita ni Acorda sa Camp Alagar ng syudad sa araw na Biyernes.

Inihayag ni Navarro na kabilang sa mga baril na nahukay ng tropang Team Miyarayon ng Revitalized Pulis sa Barangay (RPSB) na sakop ng Area Police Command Eastern Mindanao ay ang 16 na barl na kinabilangan ng improvised caliber 50 millimeter sniper;pitong M-16;tig-tatlong M-14 at AK-47 rifles at dalawang kalibre 45.

Natunton at nahukay umano ito dahil sa pagsusumikap ng RPSB Team Miyarayon dahil sa ilang mga napasuko nito na NPA combatants sa lugar.

Magugunitang ang bayan ng Talakag ay ilang beses na rin na nagsilbing encounter site ng government forces at mga rebelde kaya pinapapasukan ng PNP manuever team upang hindi na makapanghikayat pa ng mga sibilyan na sumanib sa kilusan.