-- Advertisements --

Pinabulaanan ng chief of staff ni Senador Robinhood Padilla na si Atty. Rudolf Philip Jurado ang alegasyon na lumabag ang senador sa Anti-Wiretapping Law, at iginiit niyang walang malinaw na batayan ang mga paratang. 

Reaksiyon ito ni Jurado sa pahayag ni Atty. Barry Gutierrez, na maaari umanong makasuhan si Padilla ng paglabag sa Anti-Wiretapping Law sa pagpapalabas niya ng isang audio clip sa budget deliberation ng Presidential Communications Office (PCO). 

Maaari rin daw itong isampa bilang ethics complaint bukod pa sa kasong kriminal. 

Bwelta ni Jurado, sa ngayon ay hindi pa napatutunayan ang pagiging tunay ng audio recording na tinutukoy, pati na ang pagkakakilanlan ng mga taong umano’y sangkot at ang paraan kung paano ito nakuha. 
Aniya, wala pang pormal na imbestigasyong nagpapatunay sa mga detalye ng naturang audio.

Binigyang-diin din ni Jurado na mayroong parliamentary immunity ang mga senador at kongresista sa ilalim ng Privilege of Speech and Debate, na nagbibigay sa kanila ng kalayaang magpahayag, magdebate, at gampanan ang kanilang tungkulin nang hindi natatakot sa posibleng kaso dahil sa mga pahayag o gawaing kaugnay ng kanilang opisyal na trabaho.