-- Advertisements --
CARmen COP cotabato

CENTRAL MINDANAO – Patay sa pamamaril kaninang umaga ang isang ang chief of police sa isang bayan sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Major Joan Resurreccion, chief of police sa Carmen, North Cotabato.

Ayon kay Carmen Mayor Moises Arendain, nagsagawa ng pursuit operation si Resurreccion kasama ang isa pang pulis matapos barilin ang isang Indian national na nagpapautang sa sitio Tawan-Tawan, Brgy Poblacion sa bayan ng Carmen.

Sa kasagsagan ng habulan ay nagkaputukan umano at tinamaan ang opisyal.

Naisugod pa ang biktima sa Carmen District Hospital ngunit binawian rin ito ng buhay.

Ikinalungkot naman ni Mayor Arendain ang sinapit ng kanyang hepe ng pulisya.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagtugis sa mga suspek na namaril sa opisyal at sa Indian national.