
Nanawagan ang Commission on Higher Education (CHEd) sa Department of Budget and Management (DBM) na irekonsidera ang desisyon na huwag nang ilabas sa mga ahensya at kagawaran ng pamahlaan ang 35% ng programmed appropriations sa 2020 national budget.
Sa virtual hearing ng House Committees on Higher and Technical Education, sinabi ni CHEd chairman Prospero De Vera na matatamaan dito ang implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Sinabi ni De Vera na sa maintenance and other operating expenses (MOOE) kinukuha ng CHEd ang ginagastos para sa libreng tuition sa mga state universities and colleges (SUCs).
Bukod dito, matatamaan din ng memorandum circular na inilabas ng DBM ang ni-realign na pondo ng Kongreso sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act para sa CHEd.
Ayon kasi sa DBM, maging ang mga “for later release” tulad ng ni-realign na pondo ay hindi na ilalabas para gamitin din sa COVID-19 response.
Dahil dito, sinabi ni De Vera na maapektuhan ang operasyon ng mga SUCs, kabilang na ang pasahod sa mga guro at part-time employees.
Kaya naman lumiham na aniya siya sa DBM para umapela na huwag isama sa 35 percent reduction sa kanilang budget ang alokasyon ang para sa reimbursement ng tuition at miscellaneous para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Sa halip ay awasan na lamang ang ilan sa mga programa at proyekto ng CHEd.
















