Inihayag ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Rufus Rodriguez na ang nilalayong pederalismo sa Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maisasakatuparan lamang kapag isinulong kasama ang Charter Change (Cha-Cha).
Kung nais aniya ng Pangulo na maging autonomous ang mga lokal na pamahalaan, dapat na trabahuin ng Pangulo ang pag-shift sa bansa tungo sa federal system of government na nangangailangan ng constitutional amendments.
Kayat suhestyon ng mambabatas na kung magpasya ang Pangulo na magshift ang bansa sa federal government, kailangan na trabahuin nito sa ikalawang taon nito sa termino.
Mayroon aniyang sapat na political at popular support ang Pangulo para gawin ito ng matagumpay at gumawa ng kasaysayan.
Saad pa ng mambabatas na sa nagdaang pagsusulong ng Charter amendments nabigo ito dahil ang umuupong administrasyon ay sinubukang gawin ito sa pagtatapos ng kanilang termino.
Kung kayat suspetsiya tuloy ng mga tao ay balak ng mga papaalis ng Pangulo na pahabain pa ang kanilang panunungkulan.
Inirekomenda din ng mambabatas na kung ang Cha-cha ay isasagawa, dapat na maisulong ang amendments sa economic provisions ng 36 na taon ng Konstitusyon ng bansa.
Aniya, pabor ito na luwagan ang foreign investment at ownership limits upang mas makapaglikom pa ng karagdagang foreign capital na magbibigay ng karagdagang trabaho at income opportunities para sa mamamayang Pilipino.
Maalala, sa naging talumpati ni PBBM sa oath-taking ceremony ng bagong miyembro ng kaniyang political party na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) noong araw ng Huwebes, Agosto 24, ipinaliwanag ng Pangulo na ang debolusyon ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan na ginagawa na ng national government ang pagmarka aniya ng pagsisimula ng proseso para sa pederalismo sa bansa.
Pinuri naman ng mambabatas ang Pangulo sa pagsasabi nito na ang lahat ng kaniyang ginagawa ay katumbas ng unang hakbang tungo sa federal government.
Matatandaan noong Marso 14, nakakuha ng overwhelming approval sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 7352 o mas kilala bilang “An Act implementing Resolution of Both Houses No.6 of the Congress of the Philippines calling for a Constitutional Convention to propose amendments to, or revision of, the 1987 Constitution, appropriating funds therefor, and for other purposes”.