-- Advertisements --

Handa si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na bitawan ang chairmanship sa House committee on appropriations.

Sinabi ni Yap sa budget briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong hapon na anumang oras ay handa siyang bitawan ang chairmanship sa komite.

Humingi rin siya ng paumanhin dahil sa pagiging “malambot” at “mahina” sa takbo ng pagdinig sa 2021 proposed P4.5-trillion national budget.

Aminado si Yap na hinayaan at pinagbigyan niya ang ilang mga kongresista na makapagsalita ng lagpas sa kanilang 3-minute rule sa pagtatanong sa mga kawani at opisyal ng mga kagawaran na humarap sa budget deliberation.

Mababatid na noong nakaraang linggo, sa budget briefing ng DPWH, naungkat ang issu hinggil sa umano’y hindi pantay na infrastructure funds share ng iba’t ibang distrito sa bansa sa susunod na taon.

Partikular na tinukoy ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, ang Camarines Sur at Taguig City na napaglaanan ng P11.8 billion at P8 billion sa ilalim ng 2021 budget ng DPWH.

Sinabi ni Teves na masyadong malaki ito kung ikukumpara sa alokasyon para sa ibang mga distrito, kabilang na ang sa kanya sa kabila ng mataas ng kanilang absorptive capacity.

Pero ayon kay Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte, ang P11.8 billion para sa kanilang probinsya ay hahatiin sa limang distrito.

Gagamitin aniya ito sa mga continuing infrastructure projects, kagaya ng sa Taguig City na may itinatayong C-6 highway.