-- Advertisements --

Pormal na inihain sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong atasan ang mga ahensya ng pamahalaan na kunin ang malaking bahagi ng kanilang suplay ng pagkain nang direkta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda upang tuluyang mabuwag ang sistema ng mga middlemen.

Sa ilalim ng Senate Bill 2051 o ang Local Harvest Support Act na isinusulong ni Senadora Loren Legarda, ipatutupad ang isang mahigpit na Local First policy.

Ayon sa mambabatas, inoobliga ng naturang polisiya ang mga local government units (LGUs), pampublikong paaralan, state universities and colleges (SUCs), at mga pampublikong ospital na bilhin ang hindi bababa sa 80 porsyento ng kanilang kinakailangang suplay ng pagkain mula mismo sa mga lokal na producers.

Iginiit ni Legarda na sa pamamagitan nito, masisiguro ang direktang kita ng sektor ng agrikultura at maiiwasan ang pang-aabuso ng mga namamagitan sa kalakalan.

Bilang dagdag na proteksyon, nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng rescue buy.

Isa itong hakbang kung saan bibilhin ng ahensya ang mga ani sa makatarungang presyo sa tuwing may oversupply o labis na suplay na nagreresulta sa pagbagsak ng halaga ng mga produkto sa merkado.

Ang mga bibilhing suplay ay ididiretso naman para sa mga feeding programs at relief operations ng gobyerno.

Paliwanag ni Legarda, layunin ng panukala na salagin ang epekto ng walang patid na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, at maiwasan ang malawakang pagkalugi ng mga producers.

Oras na maisabatas, inaasahan na mapapalakas nito ang lokal na ekonomiya, mas magiging matatag ang food self-sufficiency ng Pilipinas laban sa mga global price shocks, at matitiyak ang mas sariwa at abot-kayang pagkain para sa publiko.