-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit 7,600 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga pamilya na ligtas na nakauwi sa Pilipinas sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, kasunod ng pagdating ng panibagong batch ng mga Pilipino mula sa Kuwait kahapon.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa 196 na mga OFW mula sa Kuwait ang matagumpay na naiuwi sa bansa lulan ng isang commercial flight.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na repatriation efforts ng pambansang pamahalaan para ilayo sa peligro ang mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa rehiyon.

Agad na sinalubong ng mga kinatawan ng ahensya ang mga umuwing kababayan.

Tiniyak ng DMW na ang bawat isa sa kanila ay nabigyan ng tulong pinansyal, libreng transportasyon pauwi sa kanilang mga probinsya, at pansamantalang matutuluyan.

Batay sa pinakabagong tala ng DMW, mula Marso 5 hanggang Abril 24 nitong taon, umabot na sa eksaktong 7,600 na mga OFW at kanilang mga dependents ang nailikas pabalik ng Pilipinas.

Mula sa kabuuang bilang na ito, halos 7,000 indibidwal ang direktang nakinabang sa government-funded repatriation.

Binubuo ito ng mahigit 5,600 na mga manggagawa at mahigit 1,300 na mga dependents o kaanak ng mga ito.

Patuloy namang nakatutok ang DMW at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa sitwasyon sa Gitnang Silangan upang umasiste sa iba pang mga Pilipinong nagnanais nang umuwi sa bansa.