Naturukan na ng COVID-19 vaccine ang chairperson ng House Committee on Health na si Quezon Rep. Angelina Helen Tan.

Si Tan, na isang doktor, ay ang siyang pinaka-unang mambabatas sa bansa na nagsabing naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.

Nabakunahan siya sa Veterans Memorial Medical Center, kung saan nagtatrabaho ang kanyang anak na isang surgeon.

Ang mga tauhan kasi ng Veterans Memorial Medical Center ay mayroong alokasyon ng bakuna para sa kanilang pamilya sa ilalim ng legal vaccination program ng pamahalaan.

Sa isang statement, sinabi ni Tan na walang dapat ikatakot sa pagpapabakuna dahil paraan na rin ito upang sa gayon ay mabigyan ang sarili ng proteksyon laban sa COVID-19.

-- Advertisement --

Kasabay nito ay hinikayat ni Tan ang publiko na suportahan ang vaccination program ng pamahalaan.