-- Advertisements --
Fuga Island

Dumepensa ang pamunuan ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) matapos akusahan ng pagpabor sa mga Chinese investors na gustong magtayo ng negosyo sa isang isla sa Hilagang Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo nilinaw ni CEZA administrator Raul Lambino na walang hurisdiksyon ang ahensya sa kini-kwestyong Fuga Island na bahagi ng Babuyan Group of Islands.

Ayon kay Lambino, pribadong grupo ang may-ari nito kaya sila rin ang may kapangyarihang mag-desisyon sa alok ng mga investors.

Nilinaw ng opisyal na hindi lang China, dahil may ibang estado rin ang nagpahayag ng interes na i-develop ang lugar.

Hindi umano patas, para kay Lambino, na itinuturing na banta ang alok ng mga Chinese na gustong mag-tayo ng negosyo sa lugar.

“Ang Fuga (Island) ay hindi pag-aari ng CEZA at gobyerno. Pag-aari yan ng mga pribadong indibidwal. Papasok lang ang CEZA kung sila (investors) ay maga-apply para humingi ng incentives. Yung may-ari ng Fuga Island karapatan nila yan kung sino ang mga gusto nilang piliin ng investors.”

Bukod sa isla ng Fuga, lumutang din ang ulat na plano ng mga negosyanteng Chinese na i-develop ang Grande at Chiquita Island sa bahagi ng Subic, Zambales.

Una ng nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa mga kapwa mambabatas sa Senado na imbestigahan ang tila maluwag na patakaran ng pamahalaan sa mga pumapasok na negosyo mula China.

“Amid China’s aggressive behavior in the West Philippine Sea, it is baffling that the Duterte government allowed this to happen. These are no ordinary islands. These parcels of land are strategic maritime fronts that play a significant role in our military history, which only proves how invaluable they are to our national security,” ani Hontiveros sa isang statement.