Pinag-uusapan pa raw ng Inter-Agency Task Force ang posibilidad na sa isang pasilidad na lang i-quarantine ang lahat ng mga positibong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ng bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sinusuri pa ng IATF kung alin sa mga kasalukuyang pasilidad ang angkop para paglagian ng mga COVID-19 patients hanggang sila ay gumaling.
Paliwanag ng opisyal, posibleng hindi lang isa ang mapiling pasilidad dahil nais din ng gobyerno na maging accessible sa mga pasyente ang atensyong medikal.
Batay sa data ng DOH, mula sa 140 positive cases, pinaka-maraming na-admit sa mga pribadong ospital tulad ng The Medical City at St. Lukes Medical Center sa Quezon City at Taguig.
Malaki rin ang bilang ng mga nag-positibo na na-admit sa Makati Medical Center, at RITM na isa namang public facility.
Sa ngayon may 214 patients under investigation pang naka-admit sa iba’t-ibang pasilidad, ang 72 sa mga ito ay pending pa ang resulta.
Nilinaw naman ni Usec. Vergeire, na dalawa pa lang mula sa 140 cases ang gumaling. Ito ay sina PH1 at PH3, na parehong Chinese nationals at nakauwi na ng kanilang bansa.
May tatlong positive case naman ang humupa sa mild ang sintomas ng kanilang sakit kaya naka-home quarantine na lang. Pero muli, nilinaw ng DOH na hindi ibig sabihin nito na fully recovered na mula sa COVID-19 ang tatlong pasyente.