-- Advertisements --

Binaliwala lamang ng Boston Celtics ang pagbansag sa kanila na dehado dahil wala raw eksperyensya sa NBA Finals hindi katulad sa Golden State Warriors.

Maging sa mga pustahan at mga sports analysts, palaging sinasabing liyamado umano ang Warriors.

Pero ayon sa coach ng Boston na si Ime Udoka, wala silang problema kung hindi man sila nakaranas na umabot ng NBA Finals.

Kumpara kasi sa Warriors, nakaapak na ito sa championship ng anim na beses sa huling walong season.

Kabilang sa mga beteranong players at kampeon mula sa Warriors ay sina Stephen Curry, Klay Thompson at Draymond Green.

Habang ang Boston naman ay tatlong beses na natalo sa Eastern Conference Finals sa nakalipas na limang season bago umusad ngayong taon.

Sa kabila nito, ipinagmalaki ng coach ng Boston na bagamat marami silang mga batang players, dumaan naman sila sa napakahirap daw na sitwasyon bago umabot sa Finals.

Kabilang na lamang daw ang dalawang inabot nila na mga game seven at ang pagwalis sa ilang mga top teams sa kanilang daraanan.

Para naman kay Celtics star Jayson Tatum, handa na raw sila at excited na mapasabak sa buwena manong laban doon sa teritoryo ng karibal na Warriors sa Game 1, bukas na magsisimula ng alas-9:00 ng umaga.