-- Advertisements --

Matapos agarang ipasa sa kongreso at senado ang batas na magsusupinde ng excise tax sa langis upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Muling kinuwestyon sa pagdinig sa senado ang matagal na pagpapatupad nito. 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Binigyang-diin ni Senator Bam Aquino na dalawang linggo na dapat umano itong naipatupad simula nang maipasa nang sa gayo’y napababa na ang presyo ng langis sa bansa. 

Muli rin binuksan ni Aquino ang panukalang pagsusupinde sa Value-added Tax (VAT) sa langis upang mas lalong mabawasan ang pasanin ng mamamayang Pilipino sa mahal na petrolyo. Aniya, malinaw umano na sa pagdinig ng Senate Ad Hoc Protect Committee, mismong mga oil companies na ang nagsabi na kaya nilang ipatupad ang suspensyon sa buwis sa langis at agad nitong mapapababa ang presyo sa merkado. 

Dagdag pa ng senador, dapat din aniyang pagtuonan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapanatiling bukas ang mga paraalan para edukasyon ng mga kabataan at masiguradong may maayos parin na serbisyo sa mga ospital sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo. 

Inihalimbawa din ni Aquino ang mga naging aksyon ng pamahalaan ng ilang bansa na parehong apektado din sa nagaganap na digmaan sa Middle East na maaring ipatupad din ng ating gobyerno. 

Kabilang sa mga ito ang aniya’y libreng public transportation sa Australia, linggohang cash assistance sa New Zealand at sa Ethiopia kung saan lahat ng mamamayan ay nakakatanggap ng subsidiya at hindi lang ang kanilang sektor sa transportasyon. 

Ayon sa senador, ilan lamang ito sa mga maaring gayahin na hakbang upang matugunan ang pasanin ng mga Pilipino sa kinakaharap na krisis sa langis ng bansa. 

Sa huli, iisa parin ang panawagan sa senado, ang pangangailangan ng komprehensibong plano at agarang aksyon mula sa gobyerno.