Kinumpiska na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang cellphone na ginamit ng inmate na si Rustico Ygot sa transaksiyon ng iligal na droga se Cebu.

Sinabi ni Department of Justice Usec. Markk Perete na isinailalim na rin sa forensic examination ang cellphone ni Ygot at may tinututukan na rin ang NBI na mga personalidad para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Pero tumanggi munang pangalanan ni Perete ang pagkakakilanlan ng naturang mga personalidad upang hindi magkaroon ng butas ang isinasagawang imbestigasyon.

Ang imbestigasyon ng NBI ay kasunod na rin ng direktiba ni Justice Sec. Menardo Guevarra matapos matuklasan ng PNP na nakakapag-video call si Ygot sa kanyang kasintahan sa Cebu para sa transaksiyon ng iligal na droga.

Una rito, nasabat ng Police Regional Office Region 7 (PRO-7) ang P190 million na halaga ng shabu sa isinagawang operasyon noong Linggo sa lalawigan ng Cebu.