VIGAN CITY – Iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog ng granada sa cell site ng Globe Telecom na matatagpuan sa Washington street, Zone 2, Bangued, Abra, kaninang madaling araw.

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nagro-roving ang security guard na si Jerald Ortega Belarez nang makarinig ito ng malakas na pagsabog, ilang metro ang layo nito mula sa kaniyang kinaroroonan.

Nang hinanap nito kung saan nanggaling ang pagsabog, nakita nito na nabutasan ang ilang bahagi ng radio/control room ng nasabing cell site dahil sa mga shrapnel ng pinaniniwalaang granada.

Kaagad na ipinaalam niya ito sa Bangued police at nang magresponde ang mga ito ay nadatnan sa lugar ang limang metallic fragments at isang safety lever na pininiwalaang bahagi ng fragmentation hand grenade.

Samantala, kinumpirma ng supervisor ng telcom cell site na walang epekto sa kanilang operasyon ang nangyaring pagsabog.