-- Advertisements --

CEBU CITY – Ipinagtanggol ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang hakbang ng Cebu City na gawing ‘non-obligatory’ ang paggamit ng face mask sa open at public spaces nitong lungsod.

Muli niyang pinaalalahanan ang mga opisyal ng Department Of Health (DOH) na naubos na umano ang kapangyarihan ng mga ito para kontrolin ang mga local government unit sa panahon ng pandemya.

Napatunayan na rin umano na kahit hindi compulsory ang pagsusuot ng face mask ay hindi naman tumaas ang kaso ng COVID-19.

Sinabi pa ng gobernadora na panahon na para mag ‘move on’ at makabawi sa ekonomiya.

Maliban dito, sumang-ayon naman si Garcia na gawing modelo ang Cebu kaugnay sa ‘non-obligatory’ na pagsusuot ng face mask at hindi isang ‘pilot area’ lang.

“We are being experimented on a new kind of vaccine? We’re not a pilot. Let Cebu be a model, because we have so far.. since this pandemic began. We have so far, always initiated forward-looking measures which after all on hindsight had been proven right,” ani Garcia.

Samantala, nilagdaan na kaninang umaga, Setyembre 5,ni Cebu City Mayor Michael Rama ang supplement ng Executive Order No. 5, na ginawang opsyonal ang paggamit ng face mask sa lungsod.

Nakasaad dito na mananatiling ipatutupad hanggang Disyembre 31, 2022 ang boluntaryong paggamit ng mga face mask sa mga open space nitong lungsod.