-- Advertisements --

Nakahanda umanong magpadala ng mga tauhan ang Cebu City Police Office (CCPO) para tutulong sa pagpapatupad ng seguridad sa gaganapin ngayong Linggo, Enero 22, na ika-50 Sinulog sa bayan ng Carmen Cebu.

Inihayag ni CCPO Director PCol Ireneo Dalogdog na sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na kautusan mula sa Regional headquarters at hinihintay pa nila ito.

Kung hihilingin pa umano ng Cebu Police Provincial Office(CPPO) na mag-augment ng karagdagang tauhan ay handang handa pa silang tumugon.

Sinabi pa ni Dalogdog na malaki ang naitutulong ng CPPO sa pagpatupad ng seguridad sa katatapos lang na Sinulog festival nitong lungsod ng Cebu kaya handa rin silang suklian ito.

Hindi naman binanggit nito kung ilang tauhan ng pulisya ang kanilang ipapadala at nakadepende lang umano ito kung ilan ang kinakailangan.

Samantala, nakatakdang magtatanghal sa Linggo ang 10 contingent mula sa Probinsya ng Cebu na una nang nag backout sa Sinulog dito para sa open category dahilan para umabot na sa 22 ang kabuuang contingent.

Tutuparin naman ni Cebu Gov. Gwen Garcia ang kanyang pangako na sasayaw sa Sinulog kasama ang guest contingent na Sarok festival mula sa bayan ng Consolacion.