Patuloy na lumalala ang tensyon sa pagitan ng United States at Iran matapos muling magpalitan ng opensiba ang magkabilang panig sa paligid ng Strait of Hormuz, sa kabila ng umiiral na ceasefire.
Lumabas sa isang intelligence assessment ng Central Intelligence Agency na kaya pa umanong tiisin ng Iran ang naval blockade ng us sa loob ng apat na buwan bago makaranas ng matinding economic pressure.
Ipinapakita umano nito na limitado pa rin ang leverage ng Washington habang sinusubukang tapusin ang digmaan sa pamamagitan ng negosasyon.
Habang hinihintay ng US ang tugon ng Tehran sa panukalang pormal na pagtatapos ng giyera, nagkaroon muli ng sagupaan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng pandaigdigang suplay ng langis.
Inihayag ng militar ng us na pinaputukan nila ang dalawang barkong may kaugnayan umano sa Iran na nagtangkang pumasok sa isang Iranian port.
Samantala, inakusahan naman ng Iran ang us ng paglabag sa ceasefire at pag-atake sa isang commercial ship kung saan may nasawi at sugatan umano.
Nagbabala rin ang Tehran na maaari pang lumala ang sitwasyon kung magpapatuloy ang military actions sa rehiyon. (report by Bombo Jai)
















