Sinisilip na ngayon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng PNP ang mga CCTV footage na nakahagip sa insidenteng pananambang kahapon kay Trece Martirez Vice Mayor Alexander Lubigan.

Nakuha sa CCTV footage ang nangyaring fatal ambush sa vice mayor.

Makikita sa video si Vice Mayor Lubigan at ang apat na kasamahan nito na sumakay sa hilux sports utility vehicle sa labas ng Korean-Philippines Hospital.

Kita din sa video ang pagbaril ng mga suspek sa sasakyan ng vice mayor, lulan sa isang SUV ang mga hindi nakilalang gunmen.

Naka manuever pa ang sasakyan ni vice mayor pero bumangga ito sa isang sasakyan, humarurot naman papalayo ang SUV na nanambang kay Lubigan.

Patay on the spot si vice mayor at ang kaniyang body guard.

Ayon kay Trese Martirez Acting chief of Police PSupt. Reynan Patam na kasalukuyang nirerebyu na nila ang lahat ng mga CCTV sa lugar para ma trace ang mga suspek.

Pinalakas pa ng PNP ang kanilang pagpapatrulya sa mga lugar na maaaring puntahan at pagtaguan ng mga suspek.

Hinihintay na rin ang resulta ng autopsy report.

Una ng sinabi ng PNP na pulitika ang posibleng motibo sa pagpatay kay Lubigan, dahil hindi naman kabilang ang pangalan nito sa narco list.