Reading Time: 1 minute
luneta 1

Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa pamunuan ng Rizal Park para matunton ang mga lalaki na sinasabing nagbayad sa ilang vendors para magbenta o mag-pose na may hawak na mga bandila ng China sa Rizal Park.

Ayon kay Police Col. Igmedeo Bernaldez, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 5, malaking tulong daw ang CCTV footage na kuha ng National Parks Development Committee (NPDC) para makilala ang mga suspek.

Nauna nang sinabi ng NPDC na nasa tatlong lalaki ang umano’y nagbigay ng mga watawat ng China sa mga vendor.

Sa ngayon, hindi pa masabi ni Bernaldez kung ano ang posibleng sanction o parusa na ipapataw sa mga lalaki.

Pero mahalaga aniya na malaman ang rason kung ano ang motibo ng mga lalaki sa pagbabayad sa vendors para lamang magbenta o humawak ng Chinese flags.

Sa ngayon ay kumakalat at viral na sa social media ang kumakalat na mga larawan at video ng mga vendors.