Nakipagtulungan ang Climate Change Commission sa Japan International Cooperation Agency (JICA) upang higit na mapahusay ang mga inisyatiba at programa sa climate change ng bansa.
Ang partnership na nakasentro sa Data Collection Survey para sa Climate Change Measure at Green Transformation, ay nagmamarka ng unang direkta at opisyal na pakikipagtulungan sa pagitan ng CCC at JICA.
Binigyang-diin ni CCC Vice Chairperson at Executive Director Robert Borje na ang JICA ay isang napatunayang bilateral partner sa climate change initiatives.
Sa malawak na karanasan ng JICA sa pagtugon sa mga hamon na may kaugnayan sa klima, sinabi ni Borje na ang pakikipagtulungan ay nagpapakita ng mga mahahalagang pagkakataon upang mapahusay ang mga programa, upang maayos ang mga estratehiya, at upang bumuo ng mga kapasidad na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng Data Collection Survey, makakaasa ang Pilipinas sa JICA para sa technical support na angkop para sa layunin at nakabatay sa pangangailangan at pagbuo ng kapasidad.
Ito ay mahalaga para sa napapanahon at epektibong pagpapatupad ng mga patakaran at hakbang na itinakda sa Nationally Determined Contribution (NDC) ukol sa climate change.