Plano pa ring iapela ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga visas ng nasa 50 na youth delegates na na-deny.
Dadalo kasi ang nasabing mga kabataan sa World Youth Day na gaganapin sa Lisbon, Portugal mula Agosto 1 hanggang 6.
Ang nasabing kaganapan ay dinadaluhan ng Santo Papa.
Sinabi ni Father Ramon Jade Licuanan ang executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) na kaya na-deny ang mga visas ng mga kabataan ay dahil sa pinangangambahan nilang baka sila ay hindi na babalik at maging iligal alien na lamang.
Dagdag pa nito na nasa huling bahagi na sila sa pag-apela sa mga embahada para maaprubahan ang kanilang visa.
Nakatakdang magpadala kasi ang Pilipinas ng 270-member delegation sa limang araw na kaganapan.
Aabot sa mahigit 600,000 katao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang dadalo sa nabanggit na okasyon.