Hindi na kailangan pa na mag-apruba ang Kongreso ng supplemental budget sakaling kulangin ang pamahalaan sa inilaang alokasyon sa emergency subsidy program para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa isang virtual presser, sinabi ni House Speaker Cayetano na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ay malaya ang ehekutibo na mag-reallocate ng pondo para gamitin sa COVID-19 response.
Sa ngayon, P200 billion ang alokasyon ng pamahalaan para sa ibibigay na P5,000 hanggang P8,000 sa 18 million na mahihirap na pamilyang Pilipino para sa loob ng dalawang buwan.
Pero sa oras na kulangangin man ito, lalo pa at nagkakaproblema ngayon sa listahan ngDepartment of Social Welfare and Development (DSWD) sa kung sino lang ang dapat na bigyan ng cash assistance, sinabi ni Cayetano na may mga pag-aaral nang ginagawa ang economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa posibleng pagkuhanan ng pondo.
Gayunman aminado ito na “tricky” ang reallocation ng pondo gayong pinaghahandaan din ang negatibong epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa kapag makaahon na sa krisis na dulot ng naturang sakit.