Sinagot ni senator Alan Peter Cayetano ang mga kritiko ng kanyang madalas na pagla-live sa Facebook, kabilang ang magkapatid na sina senator Raffy Tulfo at senator Erwin Tulfo.
Sa kanyang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na hindi niya nauunawaan kung bakit siya pinupuna dahil sa madalas na paggamit ng social media, gayong gumagamit din naman umano nito ang mga Tulfo.
Ayon pa kay Cayetano, mas marami raw nanonood sa kanyang mga online broadcast dahil nais umano ng publiko na marinig ang kanyang panig at ang kanyang bersyon ng katotohanan.
Inakusahan din niya sina Raffy at Erwin Tulfo, pati si Senator Ping Lacson, na umano’y nagpapalitan lamang sa pagpuna at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya.
Matatandaang naging sentro ng batikos si Cayetano dahil sa madalas niyang pagpe-Facebook Live sa gitna ng pagliban ng kanyang grupo sa mga sesyon ng Senado noong siya pa ang Senate President.
Madalas namang sabihin ng magkapatid na Tulfo na mas dapat niyang unahin ang pagdalo sa mga sesyon kaysa ang pagpo-post sa social media.
Kasabay nito, muling umingay ang usapin matapos ihayag ni Senator Ping Lacson na tinatayang nasa P700 million ng pondo ng bayan ang umano’y nasayang sa loob ng 28 araw na pamumuno ni Cayetano sa Senado.
Hindi direktang itinanggi ni Cayetano ang naturang halaga. Sa halip, sinabi niyang pareho lamang umano ang magiging gastusin ng Senado kahit sino pa ang nakaupong Senate President sa panahong iyon.
















